Muli'y kakantahin ng international Pinay singer na si Charice ang pambansang awit ng Amerika sa pagdiriwang ng National Football League (NFL) ng ika-sampung anibersaryo ng 9/11 attacks.
Si Charice ang napili ng NFL na kumanta ng "Star-Spangled Banner" sa Lingo, September 11, na natapat sa laban ng Jacksonville Jaguars at Tennessee Titans. Maliban sa pambansang awit, kakantahin din ni Charice ang patriotic song na "God Bless America."
Nauna na niyang kantahin ang "Star-Spangled Banner" noong 2009 sa opening ng laban ng Los Angeles Dodgers. Nakanta na rin niya ang "God Bless America" sa taon ding iyon sa Pre-Inaugural Ball ni US President Obama.
Sinasabing ang pagkakapili kay Charice na kumanta ng mga patriotic American songs na ito sa pagdiriwang ng isang mahalagang araw para sa mga Amerikano ay nagpapakita lamang na ang nangyaring trahedya noong September 11, 2001 ay hindi lamang sa Amerika nakaapekto kundi gayundin sa buong mundo.