Sa panahon ng kalamidad, pinakamahalaga ang koneksyon sa isa’t isa upang masiguro ang daan patungo sa pagbangon.
Kaya naman aagapay ang ABS-CBN sa muling pag-ahon ng mga biktima ng bagyong Yolanda sa pamamagitan ng pamimigay sa kanila ng libreng SIM cards ng mobile phone service nitong ABS-CBNmobile.
Inanunsyo ito sa “Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na! An All-Star Benefit Concert” na inere sa ABS-CBN noong Linggo (Nov 17) ng aktor na si Piolo Pascual, na bida rin sa isang TV spot kasama ang ibang Kapamilya stars na sina John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, Kim Chiu, at Enrique Gil.
Mahigit sa 100,000 na SIM cards na may kalakip na relief packages ang ipapamahagi ng ABS-CBNmobile sa pamamagitan ng Sagip Kapamilya sa mga lugar na pinaka-naapektuhan ng bagyo.
Bawat SIM card ay may libreng prepaid load na P50, 15 free texts sa lahat ng networks, at 5MB na Internet upang makausap ng Yolanda survivors ang kanilang mga Kapamilya.
Para mas matulungan pa ang mga Kapamilya sa mga apektadong lugar, magbebenta ng karagdagang 100,000 SIM cards ang ABS-CBN Mobile sa Metro Manila at mga probinsiyang hindi nasalanta ng bagyo. Maaaring makatulong ang publiko sa pamamagitan ng pag-share ng load sa mga survivor ng Yolanda para sa tuloy-tuloy na komunikasyon hanggang sa sila’y makaahon.
Bumili lang ng SIM card sa mga tindahan at tiangge at i-text ang Share<space><amount> at i-send ito sa 2131 para mag-share ng load. Maaaring mag-share ng P10, P20, P50, at P100.
Ang lahat ng load na makokolekta ay ibabahagi sa Yolanda survivors. Para malaman kung magkanong load na ang na-share, i-text lang ang Share<space>Status to 2131.
Samantala, nagsanib-puwersa naman ang ABS-CBNmobile at SkyCable bigyan ng pagkakataon ang mga biktima ng bagyo na makapanood ng TV at makausap ang kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng calling centers. Una itong itatayo ang mga ito sa Tacloban at ilulunsad sa iba pang lugar na naapektuhan ng Yolanda. Magbibigay-serbisyo ang TV viewing at text and calling stations hanggang sa bumalik na ang kuryente at cellphone signal sa mga nasalantang lugar.
Para malaman kung saan maaaring makabili ng ABS-CBNmobile SIMs, tumawag lang sa 7878 gamit ang inyong ABS-CBNmobile SIM card o sa 266-7878 sa landline.
0 comments:
Post a Comment