Humakot ng pitong parangal ang ABS-CBN sa prestihiyosing Philippine Quill Awards na kumilala sa galing at husay ng Kapamilya network sa kanilang mga proyektong may kinalaman sa komunikasyon. Ito ang pinakamaraming Quill Awards na nakuha ng isang TV network para sa taong ito.
Dalawang Quill awards ang inuwi ng ABS-CBN Integrated News and Current Affairs para sa taunan nitong seminar na gumagabay sa mga pangangailangan ng mga magiging ina at isang digital mobile application na nagbibigay impormasyon at umaalalay sa pangangailangan ng mga botante.
Tumanggap ng Quill award ang ika-11 na “Buntis Congress” ng DZMM Radyo Patrol 630 dahil sa patuloy nitong pagsasanay at pagbibigay ng kaalaman sa mga buntis tungo sa magandang kalusugan nila at ng kanilang magiging sanggol. Sa ika-11 taon nito ay mas marami pang ina ang nakinabang sa seminar matapos itong palawakin at isagawa sa iba pang lungsod at probinsya sa labas ng Metro Manila.
Kinilala rin ang COMELEC Halalan App ng ABS-CBN Digital News Media dahil sa agaran nitong pagbibigay ng resulta sa halalan nitong Mayo mula mismo sa Commission on Elections (COMELEC), personal na impormasyon ng mga botante, at maging lokasyon ng presinto ng botante sa pamamagitan ng smartphones at tablets. Ang ABS-CBN ang natatanging network na ka-partner ang COMELEC sa pagbuo ng mobile app na layuning gabayan at tugunan ang pangangailangan ng mga botanteng Pilipino. Nakapagtala ang naturang app ng 6,720,051 page views sa Android at iOs noong May 2013.
Panalo rin ang ABS-CBN Creative Communications Management ng Quill award para sa Christmas Station ID ng ABS-CBN noong 2012 na pinamagatang “Lumiliwanag ang Mundo sa Kwento ng Pasko.” Nagtampok ito ng iba’t-ibang kwento ng kabayanihan noong pananalanta ng Habagat at nanghimok sa mga manonood na magsilbing liwanag o pag-asa sa kapwa pamamagitan ng paggawa ng mga simpleng kabutihan. Nakakuha ang naturang music video ng mahigit sa dalawang milyong hits sa Youtube.
Pinarangalan naman ng dalawang Quill awards sa kategoryang Corporate Social Responsibility at Multi-Audience Communication ang 2012 Christmas campaign ng ABS-CBN na “Lumiliwanag ang Mundo sa Kwento ng Pasko.” Bukod sa station ID, parte ng kampanya ang parol selling activity, Kwento ng Pasko stories sa “TV Patrol,” Kapamilya Simbang Gabi, Salamat Kapamilya gift cards, viewer promo, Kapamilya Gift Together, at ang ABS-CBN Christmas Special. Ang mga pondong nakalap sa proyekto ay napunta sa mga biktima ng “Habagat” sa Metro Manila.
Kinilala ang ABS-CBN Film Archives dahil sa matagumpay nitong pagre-restore o pagbuhay sa classic film na “Himala” na idinerehe ni Ishmael Bernal. Dahil sa proyekto ay nabigyang oportunidad ang mas batang henerasyon na mapanood ang makasaysayang pelikula. Sa pamamagitan ng 360 marketing campaign na dinisenyo ng ABS-CBN, napanood ang high definition o HD na kopya nito sa free TV at sa cable, nagkaroon ng espesyal na red carpet premiere sa sinehan, ipinalabas sa prestihiyosong 69th Venice Film Festival, ipinapanood din sa ibang bansa sa pamamagitan ng pay-per-view sa Global TV, at maari ring bilhin sa DVD.
Umani rin ang ABS-CBN Corporate Communications ng Quill award para sa 2012 Media Christmas Party nito na dinaluhan ng higit sa 200 miyembro ng entertainment press at bloggers. Bilang pasasalamat sa pagsuporta ng mga ito sa network, layunin ng pagtitipon na personal na maiparanas sa kanila ang ilan sa masasayang programa ng ABS-CBN. Naranasan ng mga dumalo ang magulo ngunit kwelang “Sine Mo ‘To” ng “It’s Showtime,” ang tensyon sa paglalaro ng “Kapamilya Deal or No Deal,” ang pagrampa bilang isang 24K Girl, at naging bahagi rin ng press version ng Christmas station ID ng network.
Ang ABS-CBN ang nagtamo ng pinakamaraming parangal sa lahat ng TV network ngayong taon matapos nitong makakuha ng pitong Quill awards, habang may dalawang naiuwi ang TV 5 at isa naman sa GMA.
Ang Philippine Quill Award ay isang prestihiyosong pagtitipon ng top business executives at iginagawad ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines sa pinakamahuhusay na communications programs at tools sa bansa. Ito ang itinuturing na pinakaprestihiyosong parangal sa larangan ng business communications programs.
Ang IABC ay global network ng mahigit 14,000 business communication professionals sa mahigit 60 bansa. Ang Pilipinas ang unang IABC chapter sa labas ng North America.
0 comments:
Post a Comment