Ang siesta time tuwing Sabado ng hapon ay magiging mala-fiesta sa musika at sayang hatid ng nagbabalik na musical game show na “The Singing Bee” na BEE-birit na simula ngayong Sabado (Nob 16) sa ABS-CBN sa pangunguna ng nagbabalik-Kapamilya na sina Roderick Paulate at Amy Perez bilang hosts.
Lahat ay ‘in’ sa nasabing game show dahil hindi importante kung sintunado ang boses mo basta tama ang lyrics mo. Dobleng saya ang ihahatid ng “The Singing Bee” ngayong season dahil sa kwela, kilig, at aksyong ihahatid ng hit na tambalan nina Dick at Amy.
“Mawawala ang mga problema at stress niyo sa buhay dahil ito ang show na purong masaya lang. Perpekto rin ito sa atin dahil likas na music lovers ang mga Pilipino,” sabi ni Amy.
“Siguradong papatok ito dahil walang Pilipinong ayaw ng kasiyahan. Dito pwede kayong makikanta, makisayaw, at makihula,” dagdag ni Dick.
Sa unang episode nito ngayong Sabado ay magtatapat-tapat ang ilan sa mga pinamalalapit na kaibigan nina Dick at Amy sa industriya na sina Carmi Martin, Boboy Garovillo, Ogie Diaz, Eric Frutuoso, at Kiray Celis para sa jackpot prize na P1 milyon.
Sasamahan sila ng “The Voice of the Philippines” artists na sina Isa Fabregas, Jessica Reynoso, Penelope Matanguihan, Maki Ricafort, at Yuki Ito bilang “Songbees” o resident singers ng programa na siyang magbibigay-buhay sa pahuhulaang mga awit sa mga kalahok. Magbabalik naman ang bandang “Bandle Bees” sa pangunguna muli ng beteranong musical director na si Mel Villena pati na rin ang seksing mga dancer na “Honeybees.”
Magkakaroon ng apat na kapana-panabik na rounds ang “The Singing Bee.” Limang indibidwal ang maglalaban-laban sa una at elimination round nito na “To Bee Continued” kung saan dudugtungan ng bawat kalahok ang kantang pangungunahan ng “Songbees.” Ang unang apat na may tamang sagot ang magpapatuloy sa ikalawa at ikatlong round.
Susundan ito ng “Jumble Bee” kung saan aayusin ng bawat kalahok ang pinagbali-baliktad at ginulong lyrics ng kanta sa tama nitong pagkakasunod-sunod. Bawat tamang sagot sa round na ito ay may katumbas na dalawang puntos.
Pagdating naman sa “Beedeoke” ay halinhinang kakantahin at pupunan ng apat na natitirang kalahok ang mga nawawalang lyrics sa isang kanta. Bawat isa sa kanila ay may tatlong patlang na kailangang hulaan at kada tamang sagot ay katumbas ng tatlong puntos.
Kung sino man ang may pinakamataas na puntos mula sa ikalawa at ikatlong round ay siya namang sasabak sa “Final Countdown” at haharap sa defending champion.
Sa jackpot round na “Final Countdown,” sasalang muna sa “Manuhan” ang finalists para malaman kung sino ang unang susubok para makuha ang milyon. Magbibigay ng pangalan ng singer ang hosts at ang unang makapindot ng buzzer at makapagbigay ng kahit anong titulo ng kantang inawit ng nasabing singer siyang mauuna at may prebilihiyong pumili ng kategoryang kanilang lalaruin.
Kasunod nito, kinakailangang mahulaan ng unang finalist ang apat sa pitong nawawalang lyrics ng pitong magkakaibang kanta. Bawat tamang sagot ay katumbas ng P20,000 at sa oras na makakuha siya ng apat na tamang sagot ay panalo na siya ng P1 milyon. Ngunit, sa oras na magkamali ang unang finalist ay may pagkakataon ang ikalawang finalist na mag-steal at masungkit ang jackpot. Ang mananalo sa “Final Countdown” ang siyang tatanghaling champion na babalik sa susunod na episode para idipensa ang kanyang titulo.
Maki-BEErit sa bagong BEEsyo ng bayan na “The Singing Bee” simula Sabado (Nob 16), pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-like ang Facebook page nitong www.facebook.com/singingbeeabscbn; i-follow ito sa Twitter, @TheSingingBeePH; at i-follow rin sa Instagram, @thesingingbeeph. I-tweet ang inyong mga opinyon at komento sa programa gamit ang hashtag na #TheSingingBeePH.
0 comments:
Post a Comment