Saturday, November 16, 2013

‘Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?’ HD mapapanood na sa mga sinehan

Ang mas maganda at mas malinaw na kopya ng multi-awarded Filipino historical drama na “Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?” ay mapapanood na sa mga piling sinehan simula ngayong linggo.

Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?

Muling saksihan ang obra ni Eddie Romero sa pangunguna nina Christopher De Leon, Gloria Diaz, at Eddie Garcia sa mga espesyal na screenings sa SM City North EDSA, SM Megamall, SM Manila, SM Fairview, Robinsons Galleria, Robinsons Metroeast, at Market Market.

Ang “Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?” ay ang ikatlong pelikula na sumailalim sa restoration ng ABS-CBN Film Archives at Central Digital Laboratory. Sinundan nito ang matagumpay na restoration ng pelikula ni Ishmael Bernal na “Himala” at pelikula naman ni Peque Gallaga na “Oro Plata Mata.”

Tampok dito ang kwento ni Kulas (Christopher) at ang kanyang pakikipagsapalaran sa Maynila. Sa kanyang daan papunta rito ay isang pabor mula sa isang prayle ang kanyang pauunlakan nang hiniling nito sa kanya na kunin at ibalik ang kanyang anak sa kanilang tahanan sa siyudad.

Aanihin niya ang bunga ng kanyang ginawa at tatamasa ng karanyaan sa kanyang bagong mundo. Sasanayin siya ni Tibor (Eddie Garcia) para maging isang ganap na aristokrata ngunit sa kabila ng maginhawang buhay ay tila hindi pa rin kuntento si Kulas lalo pa’t hindi kayang bilhin ng yaman ang tanging hinahangad niya— ang puso ng isang aktres at pinakamamahal niyang si Diding (Gloria Diaz).

ABS-CBN Film Archives ang nanguna sa paggamit ng isang malawakang kampanya para ipakilala ang luma at nairestore na pelikula sa kasalukuyang mga manonood.

Sadyang namukod-tangi ang restoration campaign ng ABS-CBN kaya naman ginawa itong modelo ng ibang archivists na miyembro ng Southeast Asia-Pacific Audio Visual Archives Association (SEAPAVA) para gayahin sa kani-kanilang bansa.

Kamakailan lang din ay pinarangalan ang ABS-CBN Film Archives ng prestihiyosong International Association of Business Communicators ng Philippine Quill Award para sa matagumpay nitong kampanya sa pag-restore ng pelikulang “Himala.”

Marami nang nai-restore at irerestore pa na pelikula ang ABS-CBN Film Archives kabilang na ang 50 titulo mula Star Cinema tulad ng “Got to Believe,” “Milan,” “Tanging Yaman,” “Dekada 70,” “Maalaala Mo Kaya,” at “Sana Maulit Muli.”

Dagdag pa ng head nito na si Leo Katigbak, “Hindi limitado ang restoration efforts namin sa mga luman pelikula. Halimbawa nito ay nang ginawa naming HD format ang “The Mistress.” Ang lahat ng ginagawa naming ay para ihanda ang aming mga content para masilayan pa ng susunod na henerasyon ng mga manonood na Pilipino.”

Para sa screening schedules ng “Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?” makipag-ugnayan sa mga nabanggit na mall. Abangan din ang espesyal na dokumentaryong “Ganito Kami Muli” na nilikha ng Cinema One sa ABS-CBN.

0 comments:

Post a Comment

 
Copyright 2009 Pinoy Showbiz Blogger. Powered by Blogger Blogger Templates create by Deluxe Templates. Premium Wordpress Themes | Premium Wordpress Themes | Free Icons | wordpress theme
Wordpress Themes. Blogger Templates by Blogger Templates and Blogger Templates