Wednesday, February 06, 2013

Mga Kabataan, Hinimok na Maglingkod sa Bayan sa Pinoy Media Congress ng ABS-CBN

Responsibilidad ng media ang maglingkod at magmahal sa bayan. Ito ang mensahe ng liderato ng ABS-CBN sa mga delegado ng “Pinoy Media Congress Year 8” (PMC), ang taunang media conference ng ABS-CBN para sa mga estudyante at guro ng komunikasyon sa buong Pilipinas.

image

Ngayong taon, higit sa 20 eksperto at aabot sa 700 estudyante at guro ang dumalo sa PMC, na ginanap noong Enero 31 sa ABS-CBN Studio 10 sa Quezon City at Pebrero 1 at 2 sa Trinity University of Asia.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni ABS-CBN Chairman Eugenio “Gabby” Lopez III na bagamat mahirap gawin, ang media ay taga-protekta ng taumbayan at dapat na pumupuna kapag may maling polisiya o aksyon ang pamahalaan.

Pero hindi lamang sa pamamagitan ng pagbabalita ng katiwalan ito magagawa, ani ABS-CBN Corporate Marketing Head Cookie Bartolome. Sabi niya, maaaring gamitin ang mga nakakaaliw na programa para bigyan ng pag-asa, lakas ng loob, at kasiyahan ang sambayanan, gaya ng ginagawa ng ABS-CBN sa nakalipas na 60 taon.

Dagdag pa nina Jerry Bennett at Charie Villa ng ABS-CBN Regional Network Group, ang pagmamahal sa bayan ay parang pagmamahal sa isang iniibig—gagawin mo ang lahat para dito. Kaya naman hinimok nilang suportahan ng mga estudyante ang bansa sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga magagandang video, litrato, at kuwento ng kanilang mga probinsya sa www.choosephils.com.

Bukod sa mga sesyon tungkol sa iba’t ibang isyu at salik sa gawaing media, tampok din sa PMC ang paglunsad ng librong “EL3: In the Service of the Filipino Worldwide,” isang koleksyon ng mga talumpati at kuwento ni Lopez. Mabibili na ito sa ABS-CBN Studio Tours & Shop sa loob ng ABS-CBN compound sa Quezon City.

Samantala, kinagiliwan din ng mga tagapagdalo ang film showing, studio tour, video-making contest, at pagbisita ng mga artista at lider ng ABS-CBN.

Nagpakilig at nagpatawa ang cast ng “Paraiso,” “Be Careful with My Heart,” “Luv U” and “It’s Showtime,” samantalang nakipag-dayalogo naman sa mga mag-aaral sina ABS-CBN Broadcast head Cory Vidanes, News and Current Affairs head Ging Reyes, Entertainment head for TV Production Laurenti Dyogi, at Corporate Communications head Bong Osorio.

Isa sa mga isyung ibinato sa panel ang pagbabalita ng krimen sa mga newscast tulad ng “TV Patrol.” Ani Reyes, hindi raw maiiwasan ang ganitong mga balita dahil kailangan ng mga tao ang impormasyong may kinalaman sa seguridad para mapangalagaan ang kani-kanilang pamilya.

Sa kaniyang presentasyon, pinatunayan naman ni ABS-CBN Customer Business Development Head Vivian Tin na pamilya ang pinakamahalaga para sa bawat Pilipino. Kung kayat ang bawat programa ng ABS-CBN ay tungkol sa relasyon ng magpa-pamilya.

Tungkol naman sa pagiging orihinal, sinagot ni ABS-CBN Programming Operations and On-air Management head Jillmer Dy na walang ideyang natatangi sapagkat lahat tayo ay humuhugot sa sariling karanasan. Ngunit para maging bago sa panlasa ang isang kuwento, maaari raw itong bigyan ng bagong anggulo o pamamaraan ng paglalahad.

Nagbahagi ng kanilang kaalaman sina ABS-CBN Creative Communications head Robert Labayen, mga mamahayag na sina Lynda Jumilla, Alvin Elchico, at Jorge Carino, news executives na sina Carmina Reyes, Lester Chavez, at Paul Henson, at ang mga ekspertong sina Atty. Harry Roque, MRM Community Manager Jason Cruz, at Martin Hadlow ng Asian Media Information and Communication Center.

Ayon kay Osorio, isang malaking tagumpay ang PMC Year 8 na kanilang isinasagawa taon-taon kasama ang Philippine Association of Communication Educators.

“Makikita sa mga mata ng estudyante at sa kanilang aktibong pagtatanong na tunay na nabigyan sila ng PMC ng panibagong pagtingin sa buhay sa media. Tulad ng aming paniniwala rito sa ABS-CBN, hindi ito basta trabaho, isa itong pagsisilbi sa bayan,” pagdiin niya.

0 comments:

Post a Comment

 
Copyright 2009 Pinoy Showbiz Blogger. Powered by Blogger Blogger Templates create by Deluxe Templates. Premium Wordpress Themes | Premium Wordpress Themes | Free Icons | wordpress theme
Wordpress Themes. Blogger Templates by Blogger Templates and Blogger Templates