Patuloy na nag-oorganisa ang “Bayan Mo iPatrol Mo” (BMPM) ng ABS-CBN ng mga workshop upang turuan ang mga mamamayan na maglunsad ng kani-kanilang kampanya tungo sa pagbabago at himukin silang maging mas matatalinong botante.
Malayo na ang narating ng BMPM, ang pinakamalaking organisasyon ng mga citizen journalist sa bansa, mula sa isang kampanya noong 2007 na nanawagan sa mga Pilipinong bantayan ang kanilang boto. Ngayon ay ginagamit ng halos kalahating milyong Bayan Patrollers nito ang impluwensiya ng social media upang mag-report at ibunyag ang kanilang mga hinaing.
Sa Iligan City, isiniwalat ng Bayan Patrollers ang paghihirap ng mga evacuee ng Bagyong Sendong at ang kahindik-hindik na epekto ng pagtotroso sa kanilang lugar.
Ginagamit naman ng mga estudyante sa Batangas ang social media upang pag-usapan ang epekto ng mga suliranin sa imprastraktura sa buhay nila.
Lumahok naman ang mga citizen journalist ng Surigao sa mga workshop upang matuto kung paano iulat ang pang-aabuso sa kalikasan sa kanilang komunidad.
At sa Ubay, Bohol, pinanagot ng kabataan ang mga lokal na opisyal sa pagpapaayos ng isang high school na walang pader, bintana, at banyo.
“Nakakabilib na makitang ginagamit ng kabataan ang social media at makabagong teknolohiya upang tulungan ang mga taong walang access sa mga ito,” pahayag ni Ging Reyes, ang head ng ABS-CBN News and Current Affairs.
Dagdag pa niya, sa ilang lungsod ay nanumpa ang mga kabataan na tulungan ang mga botante sa paghahanap ng kanilang mga presinto sa araw ng halalan at gumawa ng mga video upang i-promote ang matalinong pagboboto.
“Mas malinis at maayos ang bawat halalan kung nakabantay tayo hindi lamang kapag may halalan pero sa buong taon. Ang Bayan Patrollers natin, hindi lang nagre-report pero naka nakabuo na rin sila ng isang komunidad kung saan nila pinag-uusapan ang mga isyung mahalaga sa kanila,” pahayag ng BMPM head na si Inday Varona.
Ayon kay Varona, noong 2012 ay 24 na balita na inere sa mga newscast ng ABS-CBN ay ekslusibong nakuha mula sa Bayan Patrollers, habang 13 ang humantong sa pagkakakumpleto ng mga proyektong nakabinbin, parusa sa mga abusadong opisyal ng pamahalaan, at ang pagsagip sa mga nanganganib na hayop at mga taong naipit sa mga delikadong sitwasyon.
Habang papalapit ang halalan ngayong Mayo, marami pang workshops ang gaganapin sa mga paaral at unibersidad sa Lanao del Norte, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Bulacan, Bukidnon, at Metro Manila.
Kung may nagaganap sa Bayan Mo, iPatrol Mo. Magpadala ng reports at litrato sa ireport@abs-cbn.com, i-tweet ang mga ito sa @bayanmo, o i-upload sa bmpm.abs-cbnnews.com at www.facebook.com/bayanmoipatrolmo.akoangsimula.
0 comments:
Post a Comment