Naging hot topic ng mga Pilipino lalo na sa social networking sites kamakailan ang mainit na debateng naganap sa pagitan nina incumbent Manila Mayor Alfredo Lim at dating presidente Joseph Estrada sa segment na “Umagang Harapan” ng ABS-CBN morning show na “Umagang Kay Ganda.”
Sa harap mismo ng kanilang mga taga-suporta at ng lahat ng manonood sa kani-kanilang mga tahanan ay walang prenong nagpatutsadahan at nagsumbatan ang dalawang kandidato na parehong palaban para masungkit ang pwesto ng pagiging susunod na alkalde ng Maynila.
Unang bumuwelta si Erap ng inungkat nito ang diumano’y utang ng Maynila sa Meralco na nagkakahalagang P872 milyon. Bumira naman si Lim at isinumbat ang kaso ng pandarambong ni Erap na nagtanggal sa kanya sa pagkapangulo.
Mas naging matensyon ang harapan nang idiniin ni Erap ang pagbisita umano sa kanya ni Lim sa pagkakapiit nito sa Tanay noong 2004 kung saan umiyak umano ito sa kanya habang humihingi ng paumanhin sa pagkakamali niya. Mariin namang itinanggi ni Lim ang banat ni Erap at sinabing hindi niya iiyakan ang isang kriminal. Kalaunan ay naging personalan na ang tirahan ng pati mga anak nila ay nasangkot na usapan.
Bumuhos ang mga komento ng mga netizen sa naging maanghang na debate ng dalawa. Mabilis ding naging viral online ang video ng naturang paghaharap.
Ang “Umagang Harapan,” kasama si Anthony Taberna bilang moderator, ay napapanood tuwing Martes “Umagang Kay Ganda” at bahagi ng “Halalan 2013” coverage ng ABS-CBN News and Current Affairs.
0 comments:
Post a Comment