Magtutunggali ang senatorial candidates na sina Sen. Chiz Escudero, Sen. Gregorio Honasan, at Greco Belgica ng Democratic Party of the Philippines sa isa na namang matinding banggaan kasama ang beteranong mamamahayag na si Lynda Jumilla sa election program ng ANC na “HARAPAN 2013” bukas (Mar 12).
Kung senatorial surveys lang ang usapan, malaki ang lamang ni Escudero sa mga kalaban dahil sa nakapirmi niyang mataas na rating. Sa kabila nito, ano nga ba ang tunay niyang saloobin sa paglaglag sa kanya ng United Nationalist Alliance?
Paiba-iba naman ang pwesto ni Honasan sa top 12 ng surveys. Ngunit matapos ang tatlong termino niya bilang senador, ano pa nga ba ang hindi niya nagagawa at gustong patunayan kapag siya’y muling maihalal? Ang 34 taong gulang namang si Belgica ay dating konsehal sa Maynila na puno ng ambisyon para sa pagbabago ng bayan. Paniwalaan kaya siya ng taumbayan sa kabila ng kawalan ng prominenteng pangalan?
Ang “HARAPAN 2013” ay bahagi ng “Halalan 2013,” ang election coverage ng ABS-CBN na naglalayong mapalawak ang kaalaman ng mga Pilipino bago bumoto.
Kilalanin ang mga senatorial candidate base sa kanilang mga kakayahang baguhin ang kinabukasan ng bayan. Panoorin ang “HARAPAN 2013,” 7PM bukas (Mar 12) sa ANC (SkyCable Channel 27).
0 comments:
Post a Comment