Muling namayagpag ang defending champions sa 21km men’s at 10km foreign categories sa idinaos na “3rd Takbo Para sa Karunungan” ng DZMM matapos nilang makuhang muli ang kampyenato sa takbong ginanap kahapon (Mar 23) sa Quirino Grandstand sa Maynila, kung saan higit sa 3,000 ang tumakbo para matulungan ang 75 na iskolar ng himpilan.
Pinangunahan ng two-time Olympian at ngayo’y two-time DZMM “Takbo Para sa Karunungan” champion na si Eduardo Buenavista ang karera ng mga kalalakihan sa kategoryang 21km sa loob lamang ng 1 oras, 13 minuto at 21 segundo (01:13:21).
Muli ring tinanghal na pinakamabilis sa mga banyagang kalahok ang Kenyan na si Willy Rotich na binaybay ang habang 10km sa oras na 32:57.
Pagdating naman sa mga kababaihan, nanguna si Luisa Raterta sa 21km women’s category sa oras na 01:33:09. Noong nakaraang taon, si Raterta ay nag-uwi rin ng parangal bilang third placer sa 10km women’s category.
Sina Richard Salano (33:20), Rene Herrera (34:26) at Orson Quisay(35:52) naman ang pinakamabibilis sa 10km race para sa mga lalaki, habang sina Jenysmyl Mabunga (41:37) na sinundan nina Michelle De Vera (45:00) at Jenelyn Jurdilla (46:41) naman ang pinakamabilis 10km race para sa mga babae.
Ilan pa sa mga nanguna iba’t-ibang kategorya sina Rafael Poliquit (16:07) at Dalya Camen (23:07) para sa 5km race; Roy Lumauag (13:23) at Nancy Lumauag (21:11) para sa 3km sprint para sa mga kabataang edad 6-9 anyos; at sina Alessandro Luciano (11:42) at Leonalyn Raterta (11:49) na nagwagi rin sa 3km sprint para naman sa 10-12 anyos bracket.
Ginawaran din ng DZMM ng special awards ang pinakamalaking grupo mula sa gobyerno (National Mapping and Resource Information Authority) at non-government organization (CFC ANCOP Tekton Foundation, Inc.). Sa ikatlong magkakasunod na taon naman ay muling kinilala ang 87-anyos na si FelixBelarmino na siyang pinakamatandang kalahok sa fun run.
Ilan lamang sa mga tanyag na personalidad na nakilahok ang DZMM ambassadors na sina Kim Atienza at Karylle kasama ang aktor na si Matteo Guidecelli, ABS-CBN Manila Radio Division Head na si Peter Musngi, at mga anchor ng DZMM na sina Ariel Ureta, Ahwel Paz, Winnie Cordero, Marisciel Yao, Claire Castro, at Carl Balita.
Ito na ang ika-14 na taon ng fun run ng DZMM, na isinagawa ang “Takbo Para sa Kalikasan” mula 1999 hanggang 2010 para maglikom ng pondo para sa mga proyektong pangkalikasan. Ngunit nitong 2011 ay pinagpatuloy ang proyekto bilang “Takbo Para sa Karunungan” para naman tumugon sa panibagong adhikaing isulong ng edukasyon.
Samantala, gagamitin ng DZMM ang pondong nakalap sa naturang proyekto sa pagpapaaral ng 75 iskolar ng himpilan na pinili mula sa Metro Manila at Cagayan de Oro na naging biktima ng mga bagyong Sendong, Ondoy at ng Habagat.
0 comments:
Post a Comment